Bilang ng kaso ng dengue at influenza-like illness sa Quezon City, patuloy na nadaragdagan

Sumampa na sa 9,087 ang bilang ng kaso ng dengue sa lungsod ng Quezon mula January 1 hanggang October 15 ngayong taon.

Ayon sa Quezon City Epidemiology and Surveillance Division, mas mataas ito ng 83% kumpara sa kaso noong 2024 sa parehong panahon na mayroong 4,958 cases.

Marami sa mga tinamaan ng naturang sakit ay edad sampung taong gulang pababa na may bilang 4,409 habang 31 na indibidwal naman sa kabuuang bilang ang nasawi dahil sa dengue.

Samantala, umabot naman sa 2,070 na kaso ng influenza-like illness ang naitala ng departamento mula January 1 hanggang October 13 taong kasalukuyan.

Mas mataas naman ito ng 65% mula noong nakaraang taon sa parehong panahon.

Pinakaapektado sa sakit na ito ang edad 14 na taong gulang pababa.

Pinapayuhan naman ng QC Epidemiology and Surveillance Division na agad magpakonsulta sa mga health centers kung sakali mang makaramdam ng sintomas.

Facebook Comments