Patuloy na tumataas ang bilang ng mga residente na kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Parañaque.
Sa datos ng Parañaque City Health Office (CHO), muling nadagdagan ng 13 ang kumpirmadong kaso kung kaya’t umakyat ang kabuuang bilang nito sa 939.
Sa nasabing bilang, 189 ang active cases kung saan 27 dito sa Barangay BF Homes, 23 sa Tambo, 19 sa San Dionisio at 21 sa hindi pa matukoy na barangay.
Nasa 57 naman ang naitalang namatay sa COVID-19 habang 693 ang bilang ng mga nakarekober sa sakit.
Ayon sa Parañaque CHO at Parañaque City Epidemiology and Surveillance Unit, ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 ay resulta ng isinasagawa nilang expanded testing sa bawat residente sa lungsod upang agad na matukoy ang mga nahawaan ng virus.
Muling pinapaalalahanan ng lokal na pamahalaan ng Parañaque ang mga residente nito na sundin ang payo ng gobyerno sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) at manatili lamang sa kani-kanilang tahanan kung walang importanteng gagawin sa labas kung saan sundin din ang guidelines na ipinapatupad ng pamahalaan upang maiwasan ang pagkahawa at pagka-expose sa COVID-19.