Bilang ng LSIs na nagpositibo sa rapid test sa Rizal Memorial Sports Complex, higit 20 na

Umabot na sa 27 Locally Stranded Individuals (LSIs) na nasa Rizal Memorial Sports Complex ang nagpositibo sa isinagawang rapid test.

Ayon kay Hatid Tulong Program Lead Convenor at Presidential Management Staff Assistant Sec. Joseph Encabo, ang lahat ng nagpositibo na LSIs ay nasa quarantine facility na sa may CCP Complex kung saan isasailalim din sila sa confirmatory swab test.

Aniya, sasailalim din sa quarantine period ang mga nagpositibong LSI habang hinihintay rin nila ang resulta ng pagsusuri.


Sa kabila nito, tiniyak ni Encabo na pilit nilang pinapairal ang physical distancing sa loob ng Rizal Memorial Baseball at Football Stadium kung saan nananatili ang mga LSI.

Samantala, nasa 75 na LSIs ang bumiyahe na kagabi patungong Davao City habang ngayong umaga naman ay babiyahe na rin papuntang Region 13 ang nasa 800 pang LSIs.

Sa ngayon, pinoproseso na rin ang mga dokumento ng nasa 800 LSIs para makauwi na ang mga ito ng Zamboanga Region.

Facebook Comments