Sumampa na sa mahigit 40, 000 na Overseas Filipino Workers ang nakauwi na sa Ilocos Region dahil sa pagkakaroon ng COVID-19 sa buong mundo.
Base sa pinakahuling datos na nakalap ng iFM Dagupan sa Overseas Workers Welfare Administration o OWWA Region 1 ay umabot na sa kabuuang 44, 264 na OFWs simula noong taong 2020 at nito lamang June 30, 2021 ang umuwi at napauwi na dahil naapektuhan ang kanilang pamumuhay at trabaho dulot ng sakit na halos nagpatigil sa lahat.
Ang nasabing bilang ng mga apektadong OFWs ay nagmula sa iba’t ibang bansa kung saan nanguna ang lalawigan ng Pangasinan na may 24, 019 na OFWs ang umuwi, sinundan ito ng La Union na may 8, 439, Ilocos Sur – 6, 816, at Ilocos Norte na may 4,946.
Sa ngayon, patuloy pa ang pagdagsa ng mga Pilipinong umuuwi sa bansa dahil sa pandemyang kinakaharap ng buong mundo kung saan patuloy din sa pagkilos at paggawa ng mga paraan ang mga kinatawan ng nangangalaga sa mga kababayang napauwi upang makatulong sa mga ito.