Nanawagan ang Commission on Elections sa publiko na magpa-rehistro na para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections na gaganapin sa Oktubre.
Sa paglulunsad ng Register Anywhere Project o RAP sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development ngayong araw, sinabi ni Comelec Chairperson Atty. George Garcia na pinadali na nila ang proseso ng pagpaparehistro kung saan isang valid I.D. na lamang ang kailangan.
“Kailangan isang government issued ID o kahit student ID ang ipapakita basta yung ID ay naglalaman nung address na nagsasabing ito ang residence ng mismong botante na nagpaparehistro,” ani garcia sa interview ng RMN DZXL 558.
“Ay wag naman po sanang magdadahilan pa tayo at pagkatapos ay kung kelan andyan na yung oras ng katapusan ng pagpaparehistro e tsaka pupunta ang ating mga kababayan,” pakiusap niya.
Kasabay nito, sinabi ni Garcia na wala na silang planong palawigin pa ang registration.
Nagpasalamat naman si DSWD Officer-in-Charge Eduardo Punay na napili ang kanilang tanggapan bilang RAP site.
Target ng DSWD na mairehistro ngayong araw ang lahat ng kanilang empleyado sa central office na aabot sa mahigit dalawang libo.
“Very crucial po ito para sa voter registration at voter information. Nag-decide sila na makipag-partner sa DSWD kasi alam nila na nakapalaki ng reach ng program ng DSWD ‘no. Sa 4Ps pa lang po e four million beneficiaries kami, household po yun,” pahayag ni Punay sa interview ng RMN DZXL 558.
Sa ngayon, nasa 1.028 million na ang naitalang bagong botante para sa BSKE.
Kumpiyansa ang Comelec na maaabot nila ang target na 1.5 million new voters bago ang deadline ng registration sa January 31.