Bilang ng mga bagong nagparehistro sa COMELEC, umabot na ng higit isang milyon

Umaabot na sa higit isang milyon ang bilang ng mga bagong nagparehistro para sa barangay at Sangguniang Kabataan elections sa buwan ng Disyembre.

Ayon kay Commission on Elections (COMELEC) Acting Spokesperson John Rex Laudiangco, base sa huling ulat noong Hulyo 15, umakyat na sa 1,370,593 ang bilang ng mga bagong nagpa-rehistro.

Aabot sa 863,078 ang nagparehiatro na may edad 15 hanggang 17 taong gulang; 435,266 ang nasa edad 18 hanggang 30-taong gulang; at 72,249 na may edad 31-anyos pataas.


Nasa 227,203 naman ang nagnanais na malipat sa ibang lungsod para makaboto sa barangay elections at 2,655 sa SK.

Aabot sa 61,751 ang aplikante para sa reactivation habang ang mga nagpa-transfer with reactivation ay umabot sa 9,532.

May mga natanggap din na aplikasyon ang COMELEC para sa pagpapa-transfer sa ibang distrito sa kanilang lungsod, transfer with reactivation and correction of entries, transfer with correction of entries, at reactivation with correction of entries.

Sa kabuuan, aabot na sa 1.8 milyon ang aplikasyong naiproseso ng COMELEC hanggang nitong Biyernes, July 15.

Matatandaan na July 4 nang umpisahan ang voters’ registration para sa darating na halalan kung saan magtatapos ito sa July 23.

Facebook Comments