Umabot na sa 85 na mga bansa ang nakapagtala ng mga kaso ng Delta variant ng COVID-19.
Ayon kay Dr. Eva Marie Dela Paz ng UP National Institute of Health, ito ay base sa datos ng World Health Organization (WHO).
Aniya, ang Delta variant ang pinakamabilis kumalat sa lahat ng variant ng COVID-19 at pinakamadaling makahawa sa mga vulnerable na sektor ng lipunan.
Sa datos naman mula sa Southeast China, may mga ulat na ang mga pasyente na mas nagkakasakit ay ang tinatamaan ng Delta variant at mas mabilis lumala ang kanilang kondisyon kumpara sa ibang variants.
Sa England at Scotland naman, doble ang tsansa na maospital ang tinatamaan ng Delta variant kumpara sa UK o Alpha variant.
Mas maliit naman aniya ang posibilidad na maospital ang mga nabakunahan na kontra COVID-19 na tinamaan ng Delta variant kumpara sa mga hindi pa nababakunahan.