Hindi nagbago ang bilang ng mga public utility vehicle (PUV) na bumabiyahe sa Metro Manila at iba’t ibang bahagi ng bansa ngayong ipinatupad na ang General Community Quarantine (GCQ) sa National Capital Region (NCR), Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.
Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra III, walang nagbago sa bilang ng operational PUV units na dati nang tumatakbo kahit naipatupad noon ang Modified Enhanced Community Quarantine.
Pero tiniyak ni Delgra na magpapatuloy ang pagbubukas ng mga ruta ng PUVs na ngayon ay nasa 80% na.
Bukas na rin ang Inter-Regional Routes kung saan pinapayagan ang pag-biyahe papasok at palabas ng Metro Manila.
Dagdag pa ni Delgra, bagama’t inaasahan na ang pagdami ng mga pasahero sa susunod na mga araw, mahigpit pa rin nilang ipatutupad ang minimum health protocols sa loob ng mga pampublikong sasakyan.