Tumaas pa ang bilang ng mga COVID-19 patient na nakakarekober sa sakit sa ilang pagamutan sa Quezon City.
Sa pinakahuling datos ng Quezon City Health Department, nadagdagan pa ng 27 pasyente ang 13 huling nakarekober sa sakit hanggang kagabi.
Nasa 182 na ang kabuuang bilang ng mga nakarekober na pasyente.
Hindi na rin nadagdagan ang 125 na bilang ng mga namatay mula pa noong April 27.
Sa pinakahuling ulat ng QC Local Government Unit (LGU), bumaba sa 1,259 ang may confirmed cases ng COVID-19 sa lungsod base sa tala ng Department of Health (DOH).
Nabawasan ng dalawang pasyente mula sa 1,261 na unang naitala hanggang April 27.
Samantala, nakapagsagawa pa ng 188 swab tests ang community-based testing centers sa lungsod kahapon.
29 ay mula sa Quezon City General Hospital, 13 sa Novaliches District Hospital, 22 sa Rosario Maclang Bautista General Hospital, 19 sa Quezon Memorial Circle, 12 sa SB Park Novaliches, 37 sa Asian Institute of Tourism at 56 mula sa QC Epidemiology and Surveillance Unit.
Lahat ng sumailalim sa testing ay dinala sa HOPE 2 facility para mag-self quarantine habang hinihintay ang kanilang test results.