Bumababa na ang bilang ng mga COVID-19 patient na nananatili ngayon sa Philippine General Hospital (PGH).
Mula sa 325 na bilang ng pasyente, nasa 304 na lamang ang naka-admit sa PGH na pawang lahat ay positibo sa COVID-19.
Nadagdagan naman ng 7 na bilang ng indibidwal ang nasawi kaya ang bilang nito ay nasa 1,227 na.
31 na pasyente rin ang nadagdag sa mga nakarekober sa COVID-19 kaya ang kabuuang bilang nito ay pumalo na sa 4,227.
Umaabot din sa 5,791 ang kabuuang bilang ng na-admit mula ng tumanggap ang nasabing hospital ng mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19 noong Pebrero 2020.
Sa ngayon, kasalukuyan pa rin sarado para sa mga bagong pasyente na nahawaan ng virus ang emergency room ng PGH dahil kailangan nilang matugunan ang pangangailangan ng mga pasyente lalo na at sagad na ang occupancy rate na itinakda ng ospital.
Ngunit, nilinaw ni Dr. Jonas del Rosario, ang tagapagsalita ng PGH na maaari naman tumanggap ng COVID-19 pasyente ang emergency room kung ito ay nasa kritikal na sitwasyon upang agad nila itong matuunan ng pansin at magamot.