Cauayan City, Isabela- Masayang ibinahagi ng pinuno ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) na naka base sa Tuguegarao City na bumaba ang bilang ng mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19 na naka-admit sa nasabing ospital.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Glenn Matthew Baggao, chief ng CVMC, ikinagagalak nito na mula sa mahigit 200 COVID-19 positive ay mayroon na lamang 137 na pasyente ang nananatili sa kanilang COVID ward matapos makarecover ang higit 50 porsiyento ng mga pasyente.
Pinakamarami aniya sa mga nagpositibo na naka-admit sa CVMC ay mga galing sa Tuguegarao City.
Ayon pa kay Dr. Baggao, malaki na ang ibinigay na sakripisyo ng mga healthcare workers at pagod na pagod na rin aniya ang mga ito subalit dahil sa kanilang sinumpaan ay nagpapatuloy pa rin ang kanilang paglilingkod at paglaban sa COVID-19.
Sa ngayon ay tuloy-tuloy pa rin aniya ang operasyon ng CVMC at nagpapasalamat din ang medical chief dahil nakabalik na ito sa kanyang trabaho matapos makarekober sa COVID-19.
Matatandaan na si Dr. Baggao ang kauna-unahang naturukan ng Sinovac Vaccine sa buong rehiyon dos mula nang dumating ang unang dose ng mga bakuna para sa buong Lambak ng Cagayan.
Muli itong nagpaalala sa publiko na mag-ingat at sundin ang mga paalala at health and safety protocols ng DOH upang hindi mahawaan lalo na ngayong dumarami ang tinatamaan ng nasabing sakit at pagpasok ng mga bagong variant sa rehiyon.