Pumalo na sa 800,000 ang debotong sumama sa Traslacion ng Itim na Nazareno.
Ayon kay NCRPO Chief Director Guillermo Eleazar, ang nasabing bilang ay mula sa mga commanders na nasa field.
Karamihan aniya sa mga deboto ay agad nang sumama sa prosisyon habang ang iba ay nag-aabang sa pagdaan ng Poon sa kanilang ruta.
Ang nasabing bilang ay bukod pa sa halos kalahating milyon na deboto na nasa Quiapo Church.
Sa interview ng RMN Manila kay Manila Police District Chief Senior Superintendent Vicente Danao Jr., naging maayos at mayapa ang pag-usad ng andas ng Itim na Nazareno.
Aniya, mula nang magsimula ang Traslacion kaninang umaga, ay wala pang naiuulat na krimen.
Umaasa ang PNP na magiging payapa ang sitwasyon hanggang sa maibalik ang Itim na Nazareno sa Quiapo Church.
Aabot sa 7,200 police officers at 2,000 sundalo ang naka-deploy ngayon upang matiyak ang kaligtasan ng mga deboto.