Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na bagsak ngayong taon ang arrival sa bansa o ng mga dumating na international travelers dahil na rin sa COVID-19 pandemic.
Sa datos ng BI, 79% ang ibinaba sa bilang ng international travelers na pumasok sa bansa dahil na rin sa travel restrictions mula nang pumutok ang pandemya.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, mahigit 3.5 million na pasahero ang dumating sa bansa mula Enero hanggang Disyembre 15, kumpara sa mahigit 16.7 million passengers na dumating sa bansa noong 2019.
Sinabi ni Morente na 2.03 million sa mga dumating sa bansa ngayong taon ay pawang mga Pinoy habang ang 1.54 million na iba pa ay mga dayuhan.
Inaasahan na rin ng BI na maaring manatiling mababa ang arrival ng mga pasahero sa bansa hanggang sa susunod na taon.