Bilang ng mga hog raisers sa Luzon, bumaba ng 70% dahil sa epekto ng ASF; Presyo ng gulay, inaasahang magbabalik-normal sa Pebrero

Bumaba ng 70% ang bilang ng mga hog raisers sa Luzon dahilan ng pagtaas ng presyo ng karneng baboy.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) Chairman Rosendo So na bunsod pa rin ito ng epekto ng African Swine Fever (ASF).

Aniya, bagama’t kinokontrol ang pagkalat ng ASF sa lokal, wala namang ginagawang pagsusuri ang Department of Agriculture (DA) sa mga imported na karne kaya hindi natutukoy kung kontaminado ito ng ASF.


“Mga 70% na yung hindi nag-alaga tsaka yung mga tinamaan pa ng ASF… Yung inventory kasi ng hog dito sa Luzon is 7 million dati pero ngayon 2 million na lang yung naiwan,” ani So.

“Kinokontrol natin sa dito sa local pero yung mga imported wala tayong testing. Paulit-ulit nating sinasabi sa Department of Agriculture dapat yung pagsusuri ng karne sa pagpasok dapat tine-test. Hindi lang itong sa ano ASF, dapat tsine-check din natin yung sa bird flu,” dagdag pa niya.

Samantala, bukod sa karneng baboy, sumipa rin ang presyo ng manok.

Ayon kay So, marami rin ang huminto sa pag-aalaga ng manok dahil sa patuloy na pag-aangkat ng bansa ng mga frozen chicken.

“Yung chicken kasi, nung May, June, July, August, September, kinakausap natin ang DA, sana pahinay-hinay yung pagpasok ng mga frozen chicken dahil bumagsak yung presyo ng live weight, 240 pesos, nalugi talaga yung mga nag-aalaga. Ang nangyari, huminto itong mga ito kaya sumipa rin yung presyo,” paliwanag ni So.

Umaasa naman ang grupo na magbabalik-normal ang presyo ng mga gulay sa Pebrero.

Facebook Comments