Mas maliit na bilang ng mga kababaihang Filipino na edad 15 taong gulang pataas ang nabibilang sa labor force ng bansa kumpara sa mga kalalakihan.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), 21.9 milyong kababaihan o 56.27% ang kasali sa labor force nitong December 2023.
Mas mababa ito sa pakikilahok ng mga kalalakihan na may rate na 76.97% o 30.2 milyon.
Sa naturang bilang, may 21.1 milyong kababaihan ang may trabaho.
Ito ay mas mababa kung ihahambing sa 29.3 milyong kalalakihan na mayroong trabaho.
Sa December 2022 data nito, naitala ng PSA ang 20.6 milyong kababaihan ang nasa lakas paggawa (Labor Force) kumpara sa 29.1 milyong kalalakihan.
Kaunting bilang naman ng mga kababaihan ang underemployed.
Ang mga ito ay nagpahayag ng kanilang hangarin na magkaroon ng karagdagang oras na magtrabaho sa kanilang kasalukuyang trabaho o magkaroon ng karagdagang trabaho o magkaroon ng bagong trabaho na may mahabang oras ng trabaho.
Tinatayang may 2.1 milyong kababaihan ang underemployed habang 3.9 milyon naman ang mga kalalakihan.