Bilang ng mga kabataan na nagparehistro para tumanggap ng bakuna sa lungsod ng Maynila, higit 20,000 na

Umaabot na sa higit 20,000 ang bilang ng mga indibidwal na nasa edad 12 hanggang 17 anyos na nagpa-pre registration sa lungsod ng Maynila.

Sa inilabas na datos ng Manila Public Information Office o MPIO, nasa 26,630 na ang bilang ng mga kabataan na nagpagrehistro sa website ng lokal na pamahalaan na manilacovid19vaccine.ph.

Ito’y sa loob lamang ng 11 araw, mula nang simulan ang pagpapatala noong September 5, 2021.


Nabatid na binuksan ng Manila Local Government Unit (LGU) ang pagpaparehistro ng mga kabataan matapos aprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang pagturok ng bakuna sa edad 12 hanggang 17 anyos gamit ang Pfizer at Moderna vaccines.

Ito’y kung magkakaroon ng sapat na suplay ng mga nabanggit na bakuna kontra COVID-19.

Nilinaw rin ng lokal na pamahalaan na bagama’t sinimulan na ang pagpaparehistro, hihintayin pa rin ang go signal mula sa national government kung pwede nang bakunahan ang mga kabataan.

Facebook Comments