Nadagdagan pa ng dalawa ang kumpirmadong kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa mababang kapulungan.
Aabot na sa 28 ang kabuuang bilang ng mga nagkasakit ng COVID-19 sa Kamara.
Ayon kay House Secretary General Atty. Jose Luis Montales, ang dalawang bagong tinamaan ng sakit ay parehas na nakatalaga sa tanggapan ni House Speaker Alan Peter Cayetano.
Huli silang pumasok noong July 26 at nagpatest nitong July 25 matapos makaranas ng mga sintomas ng virus.
Samantala, umabot na sa 22 na kawani ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ang nagpositibo din sa COVID-19.
Batay sa huling datos, ang naturang bilang ay naitala lamang sa kanilang tanggapan.
Sa mga attached agency nito, nakapagtala ng 5 aktibong kaso sa People’s Television Network (PTV4); 2 sa APO Production Unit; isa sa Philippine Information Agency (PIA); at tatlo sa Radio Television Malacañang (RTVM).
Patuloy ngayon ang contact tracing sa iba pang empleyado na nakasalamuha ng mga nagpositibo sa COVID-19.