Bilang ng mga kumpirmadong nasawi sa bansa dahil sa pananalasa ng Bagyong Maring, umabot na sa 24

Pumalo na sa 24 ang kumpirmadong nasawi sa bansa dahil sa pananalasa ng Bagyong Maring.

Batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), hiwalay pa ito sa 17 napaulat na nasawi dahil sa bagyo na inaalam pa ng ahensiya.

Nananatili naman sa 17 ang bilang ng mga nawawala pa.


Sa ngayon, nasa 30 kalsada at tulay pa sa bansa ang hindi madaanan kung saan 139 siyudad at munisipalidad ang wala pa ring kuryente.

Nakapagtala naman ang NDRRMC ng 8,210 nasirang tahanan sa Region 1, Region 2, Region 3, CALABARZON, MIMAROPA, Region 6, CARAGA, at CAR.

Batay sa huling tala, kabuuan nang P2,253,484,893 ang pinsalang iniwan ng bagyo sa sektor ng agrikultura sa bansa.

Facebook Comments