Halos sampung milyong mag-aaral na ang nakapag-enroll para sa darating na pasukan sa August 24, 2020.
Sa pagdinig ng Senate Basic Committee On Education, sinabi ni Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones na ang naturang bilang ng mga enrollee ay 36.26% na ng projected enrollment ng ahensya para sa School Year 2020-2021.
Patuloy din aniya ang paghahanda ng kagawaran para sa ipatutupad na blended learning.
Samantala, nilinaw ng Commission on Higher Education (CHED) na wala pa silang inaaprubahang aplikasyon para sa tuition hike.
Ayon kay CHED Chairman Prospero De Vera, higit 400 private universities ang nag-apply para sa tuition hike noong Enero hanggang Marso pero wala pa silang na-e-evaluate matapos na tumama ang COVID-19 sa bansa.
Hinikayat naman ng opisyal ang mga pamunuan ng unibersidad na magsagawa muli ng konsultasyon sa mga bata at magulang nila para maipaliwanag ang tuition increase application.
May hanggang July 1, 2020 ang mga private universities para isapinal ang kanilang aplikasyon.