Mababa lamang ang bilang ng mga aplikanteng naitatala ng Commission on Elections (COMELEC) para sa nagpapatuloy na voters registration.
Ayon kay COMELEC Spokesperson James Jimenez, hindi na ito nakakagulat dahil pa rin sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Sa nakalipas na tatlo hanggang apat na linggo, aabot lamang sa 250,000 transactions ang naiproseso ng poll body sa buong bansa.
Pero kumpiyansa si Jimenez na inaasahang tataas pa ang bilang ng mga magpaparehistro sa mga susunod na araw.
Hinimok ni COMELEC Chairperson Sheriff Abas ang mga kwalipikadong botante na magparehistro at huwag nang hintayin ang last minute bago ito gawin.
Ang voters registration ay sinimulan nitong September 1, 2020 sa buong bansa maliban sa mga lugar na nasa Enhanced Community Quarantine (ECQ) at Modified ECQ.
Ang applications for registration ay maaaring isumite sa COMELEC offices mula Martes hanggang Sabado mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon.