Tumaas pa ang bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa Cainta, Rizal matapos na umakyat sa 43 ang tinamaan ng naturang nakamamatay na virus sa pitong barangay ng Cainta, Rizal.
Sa kanyang Facebook page, sinabi ni Cainta Rizal Mayor Kit Nieto na ang Barangay San Isidro ang pinakamataas na tinamaan ng COVID-19 na umabot sa 16 nagpositibo, sinundan ito ng San Andres na 10, siyam naman ang nagpositibo sa San Juan habang pito ang Sto. Domingo. Isa lamang ang naitala sa San Roque pero maswerti ang dalawang barangay na walang naitalang positibo sa COVID-19 ang Barangay Sto. Niño at Sta. Rosa.
Ayon kay Mayor Nieto, umaabot sa 170 ang nasa person under investigations o PUI habang umaabot naman sa 268 ang person under monitoring (PUMs) kung saan anim na ang nasawi sa Cainta, Rizal. 26 ang sumailalim sa home quarantine habang 10 ang in-admit sa hospital at isa lamang ang narekober sa Cainta, Rizal.
Paliwanag ng alkalde, patuloy ang ginagawa nilang paghihigpit upang matiyak na hindi na madagdagan ang bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa kanilang bayan.
Giit ni Mayor Nieto, mahigpit ang kanyang tagubilin sa lahat ng mga barangay captain sa pitong barangay ng Cainta, Rizal an higpitan ang pagsasagawa ng checkpoint upang tiyakin na walang ibang makapapasok sa kanilang lugar maliban sa mga residente ng Cainta, Rizal.