Cauayan City, Isabela- Umakyat na sa 136 ang mga nagpositibo sa coronavirus sa Lalawigan ng Isabela batay sa pinahuling datos ng Isabela Inter-Agency Task Force.
Ayon kay Provincial Information Officer Atty. Elizabeth Binag, nananatili sa 59 ang active cases ng COVID-19 na kinabibilangan ng 17 na Overseas Filipino Workers (OFW) at 36 mula naman sa mga Locally Stranded Individuals (LSI).
Aniya, 76 na ang nakarekober mula sa 136 cumulative case sa probinsya.
Nilinaw din ni Binag na magtutuloy pa rin ang ginagawang pagpapauwi sa mga Isabeleño ng mga Local Government Unit (LGU) subalit pansamantala muna itong itinigil sa kahilingan na rin ng mga alkalde para makapaghanda ng dagdag na quarantine facilities.
Bukod dito, kinakailangan naman na magpatala sa pamamagitan online ang mga uuwi sa Lungsod ng Ilagan.
Simula Agosto 1, kinakailangan na isailalim sa assessment ng kondisyon ng kalusugan ang mga OFW at LSI gayundin ang isasagawang rapid test bago sunduin ng kani-kanilang LGUs para sa paglalagay sa mga pasilidad habang hindi na magkakaroon ng mga provincial facility.
Giit pa ni Binag, nasa 90-97% ang accuracy ng mga gagamiting test kit para sa mga uuwing Isabeleño.