Pumalo na sa 39,056 ang naitatalang bilang ng mga nagtutungo sa Manila North Cemetery ngayong araw ng Undas.
Ito’y base sa datos ng Manila Police District (MPD).
Sa nasabing bilang, 32,268 ang nananatili sa loob habang 6,788 ang nakalabas na.
Kahit masama ang lagay ng panahon patuloy ang pagdagsa ng publiko kung saan marami pa rin ang nagsasama ng mga bata kahit pa walang mga dalang vaccination cards ang mga ito.
Sangkaterbang sigarilyo, pabango, flammable materials at iba pang ipinagbabawal na gamit ang nakumpiska ng MPD.
Ayon kay MPD Dir. Police Brig. Gen. Andre Dizon, maiging planuhin ang oras ng pagpunta sa Manila North Cemetery dahil bukod sa pabago-bago ang lagay ng panahon ay magkakaroon ng cut-off bago mag-5:00 ng hapon.
Patuloy na nag-iikot ang mga awtoridad sa loob at labas ng Manila North Cemetery habang puspusan din ang ginagawang paglilinis ng mga tauhan ng Manila Department of Public Service at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para masigurong walang anumang basura ang maiiwan.