Patuloy na nadadagdagan ang bilang ng mga pasyente ng Sta. Ana Hospital sa lungsod ng Maynila ang gumagaling mula sa Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.
Base sa datos ng Sta. Ana Hospital, nasa 125 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 kung saan aabot na sa 83 ang gumaling mula sa sakit.
Ilan sa mga nakarekober ay ang 19 na health workers mula sa 23 na bilang na nagkasakit.
Nasa 18 naman na mga pasyente ng Sta. Ana Hospital ang binawian ng buhay nang dahil sa COVID-19.
Aabot sa 46 ang probable cases kung saan umakyat naman na sa 1,241 ang mga nagawang COVID-19 test ng Sta. Ana Hospital.
Ayon kay Dra. Grace Padilla, ang direktor ng Sta. Ana Hospital, sa bilang ng isinailalim sa COVID-19 test, nasa 50 ang hinihintay pa ang resulta.
Abala rin sila ngayon sa pagtutok sa mga pasyenteng may kinalaman sa COVID-19 habang patuloy na inaayos ang COVID-19 testing laboratory sa ikalawang palapag ng ospital.
Muli naman nakikiusap ang pamunuan ng ospital sa publiko na itigil na ang diskriminasyon sa mga health worker kasunod ng mga balita na may ilan sa mga ito ang nakakaranas ng ganitong uri ng sitwasyon.
Iginiit nila na dapat daw ay unawain sana ng publiko ang trabaho ng mga health worker lalo na’t sila ang tumutulong para mapigilan o huwag nang lumaganap pa ang COVID-19.