Umaabot na sa higit 200,000 na mga residente at hindi residente sa lungsod ng Maynila ang nakatanggap na ng booster shots kontra COVID-19.
Sa datos ng Manila Local Government Unit (LGU), nasa 10,067 ang bilang ng nagpa-booster shots kahapon na siyang pinakamataas na bilang ng nagpaturok sa loob ng isang araw.
Kaya’t dahil dito, ang kabuuang bilang ng mga nakatanggap ng booster shots ay nasa 208,521 na.
Ngayong araw ay magpapatuloy ang pagtuturok ng booster shot sa dalawang mall at anim na community sites bukod pa sa drive thru vaccination sa Kartilya ng Katipunan at sa tapat ng Quirino Grandstand.
Muling hinihimok ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang lahat na sumalang na sa booster shots upang kahit papaano ay may panlaban sa COVID-19 lalo na ngayong may iba’t-ibang variant na lumalabas at marami na ang nahahawaan nito.