Bilang ng mga nasawi sa COVID-19 sa hanay ng kapulisan sa bansa, nadagdagan ng isa

Naitala ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang ika-109 na pulis na nasawi sa COVID-19.

Ayon kay PNP Chief Police General Guillermo Eleazar, ang nasawing pulis ay naka-destino sa Calabarzon.

Sinabi pa ni Eleazar na base sa datos ng PNP-Health Service, ang 37-anyos na police master sergeant ay nasawi dahil sa pneumonia at acute respiratory failure bunsod na rin ng COVID-19.


Nabatid na August 28 nang makaranas ng sintomas ng virus ang nabanggit na pulis kung saan nalaman na positibo ito nang sumalang sa RT-PCR test.

August 30 naman nang makaramdam ang pulis ng hirap sa paghinga kaya’t agad na inilipat sa isang hospital.

Lumalabas din sa record ng health service ng PNP na mayroong hypertension ang nasawing pulis at naturukan na rin ito ng first dose ng bakuna kontra COVID-19 noong August 6, 2021.

Sa tala naman ng PNP-Health Service, may 159 na pulis ang nadagdag sa bilang ng nakarekober sa virus kaya’t ang kabuuan nito ay nasa 34,303 habang may 176 naman ang naitalang nadagdag sa bagong kaso kung saan ang kabuuang bilang nito ay nasa 37,067 na.

Facebook Comments