Umaabot na sa dalawang milyon ang mga sumasali sa e-commerce o online selling sa bansa.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Department of Trade and Industry (DTI) Assistant Secretary Ann Claire Cabochan na tuloy-tuloy naman ang isinasagawang monitoring sa mga online seller at karamihan sa mga ito ay sumusunod naman sa mga patakaran.
Gayunpaman, may mga naitatala pa rin aniya sila na mga reklamo laban sa mga online seller o sa produkto na kanilang binili.
Kinumpirma ni Cabochan na mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon ay nakatanggap na sila ng 8,960 na reklamo hinggil sa online selling, habang ang mahigit 12,000 reklamo ay mula sa physical stores o transactions.
Ang mga reklamo aniya laban sa online selling hinggil sa communication at internet ay ininderso na nila sa National Telecommunications Commission (NTC).
Ayon kay Cabochan, karamihan sa mga reklamo ay liability, depektibo na mga produkto at problema sa warranty.
Kasunod nito, nagpaalala si Cabochan sa mga online seller na hindi dapat itaas ang presyo na kanilang mga ibinebenta, kahit pa ito ay imported, kung mga produkto naman ay binili sa mababang exchange rate at narito na sa bansa sa kasalukuyan.
Babala pa ni Cabochan na may batas laban sa unfair business practices at hahabulin nila ang mga ito.
Kung ang produkto naman aniya ay kukuhanin pa lamang sa ibang bansa at may galaw sa value ng piso kontra dolyar at iba pang factor tulad ng supply chase diffraction ay posibleng may epekto talaga ito sa presyo.