Bilang ng mga pamilyang Pilipino na naghirap dahil sa pandemya, tumaas!

Nadagdagan pa ng higit kalahating milyon ang bilang ng mga pamilyang Pilipinong naghirap dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa datos ng Commission on Population and Development (POPCOM), tumaas ng 600,000 ang mga pamilyang naghirap noong kalagitnaan ng 2021 dahil sa naranasang krisis sa ekonomiya at tumaas na cost of living bunsod ng pandemya.

Ayon kay POPCOM Executive Director Juan Antonio Perez III – ito na ang pinakamabilis na pagtaas sa loob ng nakalipas na 20 taon.


Kaugnay nito, iginiit ni Perez na dapat isulong ng susunod na administrasyon ang “living wage” lalo na sa mga rehiyon kung saan mataas ang antas ng kahirapan.

“Ang ibang rehiyon ng Pilipinas lalo na sa Southern Luzon, Visayas, Mindanao kung saan mataas ang kahirapan, kailangang magkaroon ng isa, dalawa o higit pang trabaho ang isang pamilya para matustusan yung pangangailangan,“ ani Perez sa panayam ng DZXL-RMN Manila.

“Malaki pa rin ang magiging trabaho ng darating na administrasyon para tugunan ang pangangailangan ng pamilyang Pilipino. Pababa na yung health crisis pero hindi pa umiigi yung economic crisis,” dagdag niya.

Bukod dito, iminungkahi rin ni Perez sa papasok na marcos administration na bigyang-suporta ang maliliit na negosyo dahil mas maraming mahihirap na pilipino ang nakikinabang dito.

“Hindi ho malalaking enterprise ang makakatulong sa pagbaba ng unemployment e, ‘yung maliliit na enterprise, so sana maisulong.”

Gayundin, dapat aniyang suportahan at protektahan ang mga lokal na magsasaka upang mapataas muli ang agricultural production.

“Itong nakaraang anim na taon o even more than nitong administration ay bumababa ang agricultural production so we must find a way to support the production lalo na ang pagkain,” ani Perez.

“Nakita nung nag-survey yung NMC at tsaka yung FNRI na 70% ng pamilyang Pilipino, food insecure so dapat tutukan ang food production,” dagdag niya.

Facebook Comments