Umakyat na sa 475 ang bilang ng mga pasahero ng isang royal Caribbean international cruise ship na Oasis of the Sea, ang tinamaan ng gastrointestinal illness.
Dahil dito, napilitang bumalik sa pantalan sa Florida ang cruise ship, mas maaga ng isang araw sa nakatakda sana nitong pagbabalik.
Ayon sa mga opisyal ng barko, hinihintay na lamang nila ngayon ang resulta ng lab test ng mga pasyente upang malaman ang sanhi nito.
Norovirus ang hinihinalang pinagmulan ng pagkakasakit ng mga pasahero, na karaniwang nakukuha sa kontaminadong pagkain o tubig.
Matatandaang, una nang kinumpirma ng kumpaniya ang pagkakasakit ng nasa 277 na pasahero nito.
Humingi na ng paumanhin ang pamunuan ng cruise at nangako ng full refund sa mga pasahero.
Plano na rin nila na magsagawa ng full sanitation sa buong barko, upang hindi na maulit pa ang kaparehong insidente.