
Sa kabila ng sunod-sunod na oil price hikes sa nakalipas na tatlong linggo, inaasahang tataas pa rin ng 20 percent ang bilang ng mga pasahero ngayong Semana Santa.
Sa press conference na isinagawa sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), sinabi ni Philippine Coast Guard (PCG) Rear Admiral Oliver Sy Tanseco na matagal nang naplano ng maraming Pilipino ang kanilang pagbiyahe para sa Holy Week.
Ayon sa opisyal, marami na rin ang nakabili ng ticket bago pa magkaroon ng global oil crisis dulot ng tensyon sa Middle East.
Hindi lamang aniya ito sa mga pantalan, kundi maging sa iba pang mode of transportation.
Siniguro rin ni Tanseco na bantay-sarado ng Department of Transportation (DOTr) ang mga PUV laban sa mga hindi awtorisadong taas-pasahe.
Kung may magsamantala, hinimok niya ang publiko na magsumbong sa Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) upang agad na maaksyunan at mapanagot ang mga lalabag.
Samantala, tiniyak nina Tanseco at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na may sapat na bibiyahe na mga Public Utility Vehicle (PUV).
Bukod dito, may alok din umanong libreng sakay ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, kabilang ang PCG.










