
Nadagdagan ang bilang ng mga Pilipinong may trabaho noong buwan ng Agosto.
Base sa pinakahuling labor force survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), umakyat sa 96.1 percent ang employment rate noong nakaraang buwan.
Ayon kay PSA Undersecretary at National Statistician Claire Dennis Mapa, katumbas ito ng 50.10 milyong Pilipino na may trabaho sa bansa.
Bumaba rin sa 3.9% ang unemployment rate mula sa 5.3% noong Hulyo habang ang underemployment o bilang ng mga manggagawang kulang sa oras o hindi sapat ang kita ay bumaba sa 10.7%.
Kabilang sa mga sektor na may pinakamalaking pagtaas sa employment ay ang agrikultura at forestry, wholesale at retail trade, repair ng motor vehicles, construction at fishing at aquaculture.
Kabilang din sa mga pangunahing hanapbuhay nitong Agosto ang elementary occupations, service at sales workers, skilled agri workers, clerical support workers, at plant and machine operators.









