Manila, Philippines – Tumaas ang bilang ng mga Pinoy na nagsasabing natatakot sila na mabiktima ng “extra judicial killings” o EJK kaugnay sa kampanya kontra droga ng gobyerno.
Sa resulta survey na ginawa ng Social Weather Station (SWS) noong March 25 hanggang 28, tinanong ang may 1,200 adult respondents mula sa Metro Manila, Luzon, Visayas at Mindanao kung gaano sila nangangamba o sino mang kilala nila ang maging biktima ng EJK.
Lumabas na 73 percent ang nagsabi na sila ay natatakot na mabiktima ng EJK, 37 percent ang sumagot na talagang nangangamba, 36 percent ang medyo nangangamba, 14 percent ang medyo hindi nangangamba at 13 percent ang sumagot na talagang hindi nangangamba.
Mas mataas ito kumpara sa kahalintulad na tanong noong nakalipas na Disyembre kung saan may 45 percent ang nagsabing sila ay takot sa EJK, 33 percent ang hindi masyadong nangangamba, 10 percent ang hindi nangangamba at 12 percent naman ang walang pangamba.
Maliban rito, natanong rin ang mga respondent na gaano ka-importante na mahuli ng buhay ng kapulisan ang mga taong sangkot sa droga.
Nasa 66 percent ang sumagot na talagang importante, 26 percent ang nagsabi na medyo importante, 5 percent ang sumagot na medyo hindi importante at 3 percent ang nagsabing talagang hindi importante.
Sa tanong naman na kung nagsasabi ng totoo ang kapulisan kung talagang nanlaban ang mga napapatay na suspek.
Nakakuha ng 6 percent ang nagsasabi ng totoo, 18 percent ang malamang nagsasabi ng totoo, 44 percent ang hindi tiyak kung nagsasabi ng totoo o hindi, 17 percent ang malamang hindi nagsasabi ng totoo, at 14 percent ang nagsabing talagang hindi nagsasabi ng totoo.
Sa nasabi ring survey ay 78 percent ang nagsabi na satisfied sila sa kampanya kontra droga, 43 percent ang very satisfied at 35 percent ang sumagot ng somewhat satisfied.
Umaabot naman sa 10 percent ang undecided, 12 percent ang dissatisfied, 6 percent ang somewhat dissatisfied at 6 percent ang very dissatisfied.
Nation