Bilang ng mga probinsyang apektado ng El Nino, bumaba sa 41

Bumaba sa 41 mula sa 50 ang bilang ng mga probinsyang apektado ng El Niño sa bansa.

Ito ay batay sa pinakahuling datos mula sa pagpupulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., Department of Agriculture (DA), at Task Force El Niño, kaninang umaga.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Spokesperson Asec. Joey Villarama, na sa naturang bilang, 17 na lugar ang nasa dry condition status, sampu ang nasa ilalim ng dry spell, at 14 ang makakaranas ng drought o mahabang panahon na tagtuyot.


Pinakaapektado aniya rito ang mga lugar sa Regions 9 at 6, kung saan umabot na sa higit P150 million ang halaga ng pinsala sa produktong pang-agrikultura, tulad ng mais at bigas.

Gayunpaman, sa kabila ng pagbaba, sinabi ni Villarama na kailangan pa ring ipatupad ang paghahanda dahil sa epekto na El Niño na posibleng magpatuloy pa hanggang Mayo.

Facebook Comments