Bumaba ang naitalang registered birth, marriage at death para sa unang apat na buwan ng taong 2022.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), nakapagtala lamang ng 250,866 ang registered births mula Enero hanggang Abril, mas mababa ng 34.7% kumpara sa kaparehas na panahon noong 2021.
Nanguna naman ang Region IV-A o Calabarzon sa mga rehiyon na may pinakamaraming bilang ng pinanganak na aabot sa 39,872 o katumbas ng 15.9% ng kabuuang pinanganak sa bansa.
Habang nanguna naman ang lalawigan ng Cavite sa mga probinsya na nakapagtala ng pinakamataas na registered births na aabot sa 10,588 o katumbas ng 4.2%.
Umabot naman sa 100,171 ang naitala ng PSA na nagpakasal sa unang apat na buwan ng 2022, mas mababa ng 13.9% kumpara sa 116,373 na kinasal noong nakaraang taon.
Habang nasa 157,507 ang bilang registered deaths, mas mababa ng 34.4% kumpara sa naitalang 240,240 sa kaparehong panahon noong 2021.
Ayon sa PSA, ang nakalap nilang datos ay batay sa mga records ng Office of the City o Municipal Registrar sa buong bansa.