Nagsiuwi na ang ilang mga residenteng naapektuhan ng patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Sa pinakahuling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa 10,112 pamilya o katumbas ng 38,989 indibidwal ang apektado mula sa 26 na brgy. ng Region 5.
Sa nasabing bilang, 18,736 na katao ang pansamantalang nanunuluyan sa 28 evacuation centers.
Una nang bumalik ang nasa 30 porsyento mula sa 5,000 residente na lumikas sa bayan ng Sto. Domingo, Albay matapos magpatupad ng decampment ang kanilang lokal na pamahalaan.
Ang mga pinauwing residente ay nasa labas ng 6KM permanent danger zone.
Sa ngayon, nasa mahigit P77 million na tulong na ang naibigay ng pamahalaan sa mga apektadong residente.
Nananatili pa rin sa Alert Level 3 ang status ng Bulkang Mayon kung saan namamaga pa rin ito at mataas ang posibilidad na magkaroon ng “hazardous eruption” sa mga susunod na araw o linggo.