Bilang ng mga senior high school sa limited face-to-face classes, dapat mas mataas kumpara sa mga elementary schools – kongresista

Iginiit ni Misamis Oriental Rep. Juliette Uy na dapat mas mataas ang bilang ng mga paaralan sa senior high school para sa limitadong face-to-face classes kumpara sa elementary schools.

Sa 120 na mga paaralang magpa-participate sa “pilot run” ng limited face-to-face classes, 95 dito ay public elementary schools, 20 ang sa private at lima naman ang senior high schools.

Paalala ni Uy sa Department of Education (DepEd), ang mga senior high school student ay pawang mga 18-anyos na kaya naman eligible ang mga ito na mabakunahan ng COVID-19 vaccine.


Dahil aniya rito, makatwiran at lohikal lamang na mas marami dapat ang mga eskwelahan ng senior high school sa limitadong pagbabalik sa pisikal na klase kumpara sa mga mag-aaral sa elementarya na sobrang mga bata pa at hindi pa agad mabibigyan ng bakuna.

Inirekomenda rin ni Uy sa ahensya na obligahin ang pagsasagawa ng libreng rapid antigen testing nang sa gayon ay mas epektibong mabantayan ang kalusugan ng mga guro at mga estudyanteng lalahok sa “trial resumption” ng pagbabalik sa mga paaralan.

Hiniling din ng mambabatas na huwag i-deploy ang mga gurong fully-vaccinated na matatanda at may comorbidity sa face-to-face classes upang maiwasang mailantad sa panganib ng COVID-19.

Facebook Comments