Bilang ng mga sumukong NPA sa area ng 6th ID, nadagdagan pa!

Dahil sa patuloy na kampanya ng Joint Task Force Central (JTFC) kontra insurhensiya, nadagdagan pa ang mga kasapi ng New People’s Army (NPA) na pumiling bumalik sa kanlungan ng kapayapaan.

Sa panig ng 1st Scout Ranger Battalion na nasa bahagi ng Barangay Nasapian, Carmen, North Cotabato, tumungo roon ang isang alyas “Pilo”, para magbalik loob sa pamahalaan at isuko ang bitbit nitong mataas na kalibre ng armas.

Tinanggap ni 1st Scout Ranger Battalion Commander, Lt. Col. Ranier Mabus ang M16A1 rifle at isang magazine na puno ng bala.


Kabilang si Pilo sa Guerilla Front 72, Far South Mindanao Region na isa sa mga hanay ng NPA.

Ang pagsuko ni Pilo ay isang indikasyon lamang na hindi pa huli ang lahat para magbago at magsimulang muli ng panibagong buhay ayon kay JTFC at 6th Infantry Division Commander, MGen. Alex Rillera.

Aniya, ang pamahalaan ay handang magbigay ng tulong pang-kabuhayan sa sinumang magbalik-loob at desididong muling maging produktibong mamamayan.

Dahil sa pagsuko ni Pilo, umabot na sa 15 na kasapi ng NPA ang sumuko, mula nitong Enero hanggang sa kasalukuyang buwan.

Bukod pa rito, 10 sa kanila ang napatay sa focused military operation at lima ang inaresto.

Facebook Comments