Saturday, March 14, 2026

Bilang ng mga survivor sa lumubog na MV Trisha Kerstin 3, ibinaba sa 293 dahil sa isinagawang beripikasyon —PCG

Kinumpirma ng Philippine Coast Guard na nagkaroon ng pagbabago sa bilang ng mga pasahero ng lumubog na MV Trisha Kerstin 3 sa Baluk-Baluk Island sa Basilan.

Ayon kay PCG Spokesperson Captain Noemi Cayabyab, binawasan ang kabuuang bilang ng survivors o mga nakaligtas sa paglubog ng barko sa 293 mula sa unang napaulat na 316.

Ibinatay umano ito sa consolidated verification ng PNP-SOCO at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office.

Ito ay matapos magsagawa ng beripikasyon sa pagkakakilanlan ng mga pasahero kabilang na ang mga survivor na nakalista sa manifest, mga nakaligtas na nagsabing hindi sila nakalagay sa listahan at ang mga nakadeklarang tripulante.

Nauna nang kinumpirma ng Coast Guard na isa pang nasawi ang nadagdag sa kabuuang bilang na umabot na ngayon sa 52 matapos marekober ng Technical Diving Group ang isang babae kaninang umaga.

Samantala, 27 indibidwal naman ang kasalukuyang nawawala pa rin batay sa pinakahuling imbestigasyon at koordinasyon sa mga pamilya ng mga pasahero.

Facebook Comments