Bilang ng nagkaroon ng depresyon at anxiety, tumaas nang ipinatupad ang community quarantine

Tumaas ang bilang ng mga nakaranas ng depresyon at anxiety o pagkabalisa sa bansa simula nang magpatupad ng community quarantine para pigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Health, sinabi ni National Center for Mental Health Director Dr. Rolando Cortez na nakatatanggap sila ng 300 hanggang 400 tawag kada araw mula sa mga nakararanas ng depresyon, pagkabalisa at matinding lungkot.

Mas mataas ito kumpara sa dating 60 hanggang 80 tawag na kanilang natatanggap kada buwan.


Aniya, tumutulong din sila sa pag-evaluate ng mga umuuwing Overseas Filipino Workers (OFWs) na nakararanas ng mental problem.

Kasabay nito, ipinanukala ni Senator Sonny Angara na itaas ang kasalukuyang ₱7,800 na case rate o halaga na itinutulong ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa mga miyembro na may mental health issue.

Isinusulong din ni Angara na mabigyan ng benepisyo o special assistance ang mga nagkakaroon ng temporary at permanent mental disability dahil sa kanilang trabaho.

Ayon naman kay Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, nirerepaso na ng PhilHealth ang case rate para sa lahat ng kondisyon na may kinalaman sa mental health.

Facebook Comments