Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PLt Jessie Alonzo, Deputy Chief of Police ng PNP Tumauini, namatay rin bandang alas 5:00 ng hapon sa parehong araw ang biktimang si Elma Caronan, 64-anyos na asawa ng namatay na si Ernesto Caronan, 71-anyos, kapwa residente ng Brgy. Bliss Village, City of Ilagan, Isabela.
Una nang naideklara na lima (5) ang ‘dead on the spot’ sa insidente na kinabibilangan ng mga sakay ng traysikel na sina Ernesto Caronan at mag-asawang sina Arnel Menor, 37-anyos, Diana Rose Menor, 36-anyos kabilang ang kanilang anim (6) na buwang gulang na sanggol na si Prince Adrean na mga residente naman ng Mallig, Isabela.
Kabilang rin sa mga nasawi ang sakay ng motorsiklo na isang Indian National na si Kuldip Singh, 38-anyos, residente ng Brgy. District II, Tumauini, Isabela.
Ayon sa Deputy Chief of Police, pawang magkakamag-anak ang limang nasawi.
Samantala, nangako naman umano ang may-ari ng trailer truck na tutulungan nila ang mga naiwang pamilya ng mga biktima.
Kasalukuyan namang nasa kustodiya ng PNP Tumauini ang drayber ng trailer truck na si Oliver Zamora, 29-anyos, at residente ng Brgy. Caloocan, Alicia, Isabela habang maswerteng walang tinamong sugat sa katawan ang pahinante na si Julius Zilabbo, 29-anyos, at residente ng Brgy. Rizaluna, Alicia, Isabela.
Matatandaan na naganap ang trahedya pasado alas 2:00 ng hapon nitong Sabado kung saan habang parehong binabagtas ng traysikel at motorsiklo ang daan patungong Lungsod ng Ilagan ay bigla na lamang inararo ng paparating na kasalubong na trailer truck at dumeretso sa maisan.
Nabatid na positibo sa alak ang drayber ng Truck batay sa isinagawang alcohol breath test ng sumuring doktor.