DRAYBER NG TRAILER TRUCK NA KUMITIL NG 6 BUHAY, SASAMPAHAN NA NG KASO

69
Cauayan City, Isabela*- *Kakasuhan na bukas, August 29, 2022 sa pamamagitan ng inquest proceedings ang drayber ng trailer truck na umararo sa traysikel at motorsiklo sa Brgy. Balug, Tumauini, Isabela na nagresulta sa pagkamatay ng anim (6) na indibidwal kabilang na ang 6-buwan na lalaking sanggol.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PLt Jessie Alonzo, Deputy Chief of Police ng PNP Tumauini, kasong Multiple Homicide and Damage to Properties ang kakaharapin ng suspek na si Oliver Zamora, 29-anyos, at residente ng Brgy. Caloocan, Alicia, Isabela.

Ayon kay PLT Alonzo, labis umano ang pagsisisi ng drayber ng truck na nakakulong sa PNP Tumauini at aminado itong nakainom ng alak nang siya ay magmaneho.

Sinabi pa ng Deputy Chief of Police na maluwang ang kalsada na pinangyarihan ng insidente at hindi accident prone area.

Nananawagan naman ang Deputy Chief of Police sa lahat ng mga nagmamaneho na huwag uminom ng nakalalasing na inumin bago bumiyahe dahil malaki aniya ang disgrasya na idudulot nito.

Facebook Comments