Bilang ng nasugatan sa dalawang pagsabog sa Jolo, Sulu, 78 na

Umakyat na sa 78 ang bilang ng nasugatan sa nangyaring kambal na pagsabog sa Jolo, Sulu kahapon.

Ayon sa Joint Task Force Sulu, kabilang sa nasugatan ang 24 na sundalo, 48 sibilyan at anim na police officers.

Nananatili naman sa 15 ang bilang ng nasawi kabilang ang isang babaeng suicide bomber sa ikalawang pagsabog sa Barangay Walled City.


Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni 11th Infantry Division Spokesperson Lt. Col. Rolando Mateo na sa ngayon, tanging ang Abu Sayyaf Group lang ang pinaghihinalaan nilang nasa likod ng pagsabog na walang ibang layunin kundi maghasik ng gulo.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga otoridad kung may kinalaman ang pambobomba sa pagkakaaresto kay ASG leader Anduljihad “Indang” Susukan.

Ayon naman kay AFP-Western Mindanao Command Lt. Gen. Corleto Vinluan, posibleng konektado ang ASG sa siyam na pulis na suspect sa pagpatay sa apat na sundalo sa Jolo noong Hunyo na noo’y nagsasagawa ng surveillance operations laban sa dalawang pinaghihinalaang suicide bomber.

Sa ngayon, wala pang pag-ako ang ASG sa nasabing insidente.

Samantala, nagpalabas na rin ng “red alert” ang Philippine Coast Guard sa Sulu at ibang pang lugar malapit dito bilang tulong sa ginagawang pagresponde ng militar at pulisya sa insidente.

Facebook Comments