Bilang ng panibagong kaso ng COVID-19 isa sa magiging batayan kung tuluyan nang isasailalim sa GCQ ang Metro Manila

Dedepende pa rin sa ipapakitang datos sa loob ng linggong ito ang magiging desisyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang magiging status ng quarantine sa Metro Manila, ibang bahagi ng Region 3, Laguna, Cebu City at Mandaue City.

Nabatid na hanggang May 31 na lamang kasi tatagal ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa mga lugar na nabanggit habang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Cebu at Mandaue City.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, malalaman bago magkatapusan ng buwan kung ano ang susunod na hakbang para sa quarantine.


Sinabi ni Roque na kung ang datos ay magpapakita na mayroon nang pagbagal sa case doubling rate ng COVID-19, posibleng mag- General Community Quarantine (GCQ) na ang Metro Manila pagsapit ng Hunyo 1.

Kapag nasa ilalim na ang National Capital Region (NCR) ng GCQ, mabubuksan na ang operasyon ng mga pampublikong transportasyon basta’t susundin lamang ang minimum health standards

Sa pinakahuling datos mula sa mga ekspersto, tumatagal ng 7 araw ang naitatalang doubling rate sa kaso ng COVID-19 habang dumadami na ang critical care capacity ng bansa.

Facebook Comments