Pinadadagdagan ng Department of Transportation (DOTr) ang mga EDSA Bus Carousel sa kahabaan ng EDSA.
Ito’y mula sa bilang ng mga bus na 550 ay planong gawing 650 upang masolusyunan ang problema ng mga mananakay tuwing rush hours.
Sinabi ni DOTr Undersecretary Timothy John Batan, nakikipag-negosasyon na siya sa mga operator ng public utility buses (PUBs) upang lutasin ang tumataas pang bilang ng mga pasahero na sumasakay sa EDSA Carousel.
Ani Batan, upang mapabuti at maging komportable ang mga mananakay ay maglalagay pa ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng dalawang EDSA Carousel stations sa Tramo at Ayala Avenue.
Ito ay makaraang buksan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at ng DOTr ang bagong median bus stops nitong unang Linggo ng Agosto sa Roxas Boulevard at Taft Avenue.
Maliban sa nabanggit ng dalawang istasyon, may 15 median bus stops para sa EDSA Carousel at tatlo pang bus stops sa outer lanes ang isinasailalim pa sa konstruksiyon ang mga ito.
Aniya ay malaking tulong sa inaasahang pagtaas pa ng bilang ng mga mananakay lalo na ngayong magsisimula na ang pasukan sa Agosto 22 at unti-unting pagbabalik ng face-to-face classes sa Nobyembre.
Kabilang din dito ang pagtiyak sa kaligtasan ng mga mananakay at ang patuloy na pagkakaloob ng programang ‘Libreng Sakay’ sa EDSA Bus Carousel at sa Light Rail Transit Line 2 (LRT-2).
Bilang karagdagan, muling binuksan na rin ng LTFRB ang higit sa 100 ruta ng pre-pandemic city bus, public utility jeepney at UV Express.