Binalaan ni Senador Sherwin Gatchalian ang Meralco at iba pang distribution utilities ngayong umiiral muli ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa Metro Manila, Laguna, Cavite, Bulacan at Rizal.
Ayon kay Gatchalian, hindi na dapat maulit ang ginawang over at under estimate ng Meralco na naging dahilan ng bill shock.
Aniya, kailangang isaayos at liwanagin ng Meralco ang gagawing paniningil sa kuryente ngayong MECQ.
Kasabay nito, kinalampag ni Gatchalian ang Energy Regulatory Commission (ERC) at Department of Energy (DOE) na magpalabas ng guidelines o direktiba sa distribution utilities para hindi na maulit ang bill shocks at maibsan ang bigat ng bayarin ng mga consumer.
Samantala, tiniyak naman ni MERALCO Spokesperson Joe Zaldarriaga na walang mangyayaring bill shocks sa kabila ng muling pagpapatupad ng MECQ.
Tuluy-tuloy aniya ang kanilang meter reading at operasyon ng kanilang business centers para matiyak na tama ang makukuhang actual consumption sa reading ng kuryente.
Umapela naman ang Meralco sa mga Local Government Unit (LGU) at mga barangay official na ituring na essential workers ang kanilang mga kawani at papasukin sa mga residential areas para kumuha ng meter reading.