Ipagbabawal na ang mga billboards tuwing may bagyo at masama ang panahon.
Sa botong 205-Yes, 0-No at 4-abstain ay inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang “Bawal Billboard Tuwing Bagyo Act.”
Sa ilalim ng House Bill 7174, epektibo ang pagbabawal sa billboards sa kasagsagan ng masamang panahon at hanggang sa matapos ang kalamidad.
Binanggit sa panukala ang panganib na dulot ng mga billboard, partikular sa kaligtasan ng mga tao tuwing may kalamidad, maging kalusugan at kalikasan.
Sakop din sa panukala ang lahat ng advertising materials na kailangang tanggalin ng operators sa loob ng 12 oras, mula sa opisyal na anunsyo o paglalabas ng PAGASA ng Typhoon Signal no. 1 bulletin o anumang weather disturbance habang ang mga electronic billboard ay kailangang patayin o huwag paganahin.
Sa oras na maging ganap na batas, ang mga lalabag na billboard operator ay pagmumultahin ng P300,000 o pagkakakulong ng hindi bababa sa anim na buwan o hindi lalagpas ng isang taon depende sa diskresyon ng korte.