Isinusulong muli ng Ibon Foundation ang pagpapatupad ng “Billionaire Tax” na layong buwisan ang mayayaman sa bansa.
Sa harap ito ipinapanukalang mga bagong buwis ng Department of Finance (DOF) para mabayaran ang utang ng Pilipinas na lumobo na sa ₱12.68 trillion nitong Marso.
Sa panayam ng DZXL-RMN Manila, iginiit ni Ibon Foundation Executive Director Sonny Africa na hindi lahat ng buwis ay kailangang ipasa sa presyo ng bilihin kung saan ang mahihirap din lang naman ang labis na naaapektuhan.
Samantala, sa ilalim ng Billionaire Tax na una nang inihain sa Kongreso noong September 2021 bilang House Bill No. 10253 o “Super Rich Tax Act Of 2021” bubuwisan ng 1% ang mga indibidwal na may yamang higit ₱1 bilyon; 2% kung ₱2 billion at 3% kung ₱3 billion pataas.
“Kung panindigan ng gobyerno yun at sundin nang tama, sa tatlong libong bilyonaryo lamang ah sa 110 million na populasyon natin, itong proposal naming na buwis makakalikom siya ng ₱470 billion,” ani Africa.
“So, kung magbuwis ka ng 1%, 2%, 3% niyan, walang pagbabago sa pamumuhay nila. Hindi dahilan yan para umalis sila sa Pilipinas kasi napakaliit ng buwis na yan at ang laking tulong sa ating gobyerno,” dagdag niya.
Nabatid na kinakailangan ng gobyerno na makakolekta ng ₱326 billion na bagong kita kada taon para mabayaran ang utang ng bansa.
Samantala, pabor naman ang ekonomistang si Prof. Emmanuel Leyco sa panukalang Wealth Tax pero dapat aniyang magkaroon ng political will ang Kongreso ukol dito.
“Kung kakayanin po ay kakayanin. Pero kailangan po ng political will at yan po ay kailangang manggaling sa ating Kongreso at kailangan po talaga ay malinaw na malinaw,” punto ni Leyco sa panayam ng DZXL-RMN Manila.
“I don’t think na mamasamain naman ng mayayaman, ng mga bilyonaryo na magpaunlak. Meron naman po silang mga, corporate social responsibility pa nga po, so hindi naman yan bago at hindi naman yan makakasama sa kanilang kalagayan,” aniya pa.
Ang Wealth Tax ay matagal na ring ipinapatupad sa ibang mga bansa gaya ng France, Switzerland, Germany, Latin Amerika at sa 30 ibang mga bansa sa buong mundo.