Bilyon-bilyong Bayanihan loans, dapat nang gamitin na direktang pang-ayuda

Iminungkahi ni Senador Imee Marcos sa pamahalaan na gawing direktang ayuda sa mga negosyong matinding tinamaan ng COVID-19 pandemic ang bulto ng hindi nagagamit na stimulus funds sa mga state financial institution.

Ayon kay Marcos, nakakaalarma ang prediksyon ng mga international financial institutions tulad ng World Trade Organization, World Bank, International Monetary Fund, at Asian Development Bank na posibleng ang Pilipinas ang maging pinaka-makupad na makarekober ang ekonomiya sa Asya dahil sa kulang na pag-ayuda sa mga negosyo.

Malulutas lamang umano ang matamlay na pag-ayuda kung ang bahagi ng naturang budget para sa mga programang pautang ng gobyerno ay gawing direktang tulong tulad ng subsidiya sa sweldo at programang pantrabaho.


Binanggit din ni Marcos na nasa ₱3.3 bilyon lang ang nagamit mula sa ₱10 bilyong pondong inilaan ng Department of Trade and Industry (DTI) sa programa nitong COVID-19 Assistance to Restart Enterprises para sa Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) sa ilalim ng Bayanihan 2.

Dagdag pa ni Marcos, hindi rin magagamit nang buo ang ₱6 bilyong inilaan para sa mga nasa sektor ng turismo hanggang sa magpatupad ng mas malawak na pagbabakuna at manumbalik ang kumpiyansa ng mga turista.

Sabi pa ni Marcos, halos kasing-bagal din nito ang paggamit sa mga pondong nasa Land Bank of the Philippines, Development Bank of the Philippines at Philguarantee Corporation.

Facebook Comments