
Pinapa-imbestigahan ni CIBAC Party-List Rep. Bro. Eddie Villanueva sa Kamara ang P85 million, P7 billion at P11 billion na halaga ng mga gamot at iba pang medical supplies ng Department of Health (DOH) na na-expired, nasira at hindi naipamahagi noong 2021, 2022 at 2023.
Ang hirit na imbestigasyon ni Villanueva ay batay sa audit report ng Commission on Audit (COA).
Nakakaalarma para kay Villanueva ang tumataas na bilang ng hindi nagagamit na medical supplies sa mga nagdaang taon habang milyon-milyong mga Pilipino ang walang kakayahang bumili ng gamot at walang access sa mahusay na pangangalaga sa kanilang kalusugan.
Punto pa ni Villanueva na sa kabila nito ay tumaas pa sa P44 billion ang budget ng DOH pambili ng mga gamot habang zero ang subisidy na ibinigay sa PhilHealth.
Giit ni Villanueva, dapat itong masulusyunan dahil sa bawat salaping nasasayang ay nalalagay sa peligro ang kalusugan at buhay ng mga Pilipino.