Tiniyak ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos sa pagdinig ng Senado na hindi nabawasan ang iligal na droga na nasabat sa Alitagtag, Batangas ng pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Matatandaang kinwestyon kung nagkaroon ng dagdag bawas sa droga dahil unang inanunsyo ng PDEA na nasa dalawang tonelada ang nasabat na iligal na droga na nagkakahalaga ng halos P13 billion ngunit makalipas ang dalawang araw ay iwinasto ng PNP ang imbentaryo at nasa 1.4 tonelada lang ng iligal na droga na nagkakahalaga ng P9.68 billion ang halaga.
Sa kabilang banda, kumbinsido naman si Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Ronald “Bato” dela Rosa sa garantiya at paliwanag na ibinigay ni Abalos sa pagdinig ng komite.
Naniniwala si dela Rosa na sa malamang ay na-overjoy o masyadong natuwa ang PDEA sa accomplishment kaya nasobrahan sa pagtaya ng dami at halaga ng iligal na droga.
Sa pagdinig ng komite ay ipinakita ni Abalos ang aktwal na video ng pagkakahuli kay Ajalon Michael Zarate noong April 15 at pagkakakulong nito gayundin ang mga sumaksing prosecutor, barangay captain, media representative at publiko nang gawin ang imbentaryo sa lugar kung saan nasabat ang mga droga.